Pinagtibay ng Sangguniang Bayan ng Odiongan sa pamamagitan ng isang ordinansa ang executive order na nilagdaan ni Mayor Trina Firmalo-Fabic na nagre-regulate sa pagbenta at paggamit ng paputok sa bayan.
Batay sa ordinansa na isinulat ni SB Manuel Fernandez Jr., ipagbabawal sa bayan ang paggamit, pagbenta, pagbili, at paggawa ng mga sumusunod: watusi, piccolo, super lolo, atomic big triangulo, mother rocket, lolo thunder, pill box, big judah's belt, big bawang, kwiton, goodbye philippines, kabasi, whistle device, atomic bomb, five star, pla-pla, OG, giant whistle bomb, bawang, small triyanggulo, pulling of strings, el diablo, judah's belt, at iba pang kaparehong mga paputok at mga walang label na paputok.
Ang mga mapapatunayan na lalabag sa nasabing ordinansa ay may multa na P2,500 at posibleng matanggalan ng business permit ang mga tindahan na mapapatunayan na lalabag rito.
Papayagan naman ang paggamit, pagbenta, pagbili, at paggawa ng mga sumusunod na paputok: baby rocket, paper caps, sky rocket o kwitis, chinese firecracker, rapid fire, sparklers, luces, fountain, jumbo, regular, at special fountain, mabuhay, roman candle, trompillo, airwolf, butterfly, at iba pang kaparehong paputok.
Nakasaad rin sa ordinansa na bawal pagbentahan ang mag menor de edad ng mga paputok.
Ang ordinansa ay ipatutupad kapag naaprubahan na alkalde ng bayan.

































