Nagsagawa kamakailan sa bayan ng Odiongan, Romblon ng mobile services ang National Bureau of Investigation para serbisyuhan ang mga kailangan ng NBI clearance.
Ayon sa Public Employment Service Office ng Odiongan, aabot sa 541 katao ang naserbisyuhan ng 3 araw na NBI Mobile Services na ginanap sa Odiongan Public Plaza mula November 28.
Malaking ginhawa umano at katipiran ang isinagawang mobile services dahil hindi na kailangang pumunta ng Batangas ang mga residente ng probinsya ng Romblon para lamang kumuha ng clearance sa ahensya lalo na ang mga bagong graduate na estudyante at mga job seeker.
Ang mobile services ay isinagawa katuwang ang lokal na pamahalaan ng Odiongan.