Nalunod at nasawi ang isang miyembro ng Citizen Armed Force Geographical Unit o CAFGU noong November 27 sa Mountain Spring Resort sa Barangay Rizal sa Odiongan.
Ang biktima ay kinilalang si Roel Familaran Gaca, 26, residente ng Barangay Tulay.
Sa ulat ng Odiongan Municipal Police Station, si Gaca ay nasa resort kasama ang kanyang mga kamag-anak. Huling nakita umano itong naliligo sa pambatang pool ngunit posibleng lumipat sa mas malalim na pool at doon nalunod.
Makalipas pa ang isang oras bago napansin ng mga kamag-anak ng biktima na nawawala ito hanggang sa natapakan ito sa malalim na bahagi ng pool na nakalubog.
Sinubukan pa nilang i-revive ang biktima ngunit bigo sila. Idineklara rin ito ng doktor na dead on arrival sa Romblon Provincial Hospital.
Ayon sa caretaker umano ng resort, pinayuhan na niya umano si Gaca na huwag na maligo sa pool dahil lasing na ito ngunit ngunit bigo umano ang caretaker.
Walang nakikitang foul play ang kapulisan sa aksidente.