Isinusulong na sa bayan ng Odiongan ang mandatory na paglalagay ng mga closed-circuit television o CCTV sa mga malalaking business establishments na tumatanggap ng maraming customers.
Sa isang panayam ng Romblon News Network kay SB member Manuel Fernandez Jr., sinabi nito na hiling ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang pagpasa ng “no CCTV, no business permit” ordinance na makakatulong sa siguridad ng publiko.
“Napakahalaga ng CCTV hindi lang sa negosyo, kundi sa kapaligaran ‘kung saan nakabase ‘yung business establishment. Kung ‘yung isang negosyo ay may CCTV, crime deterent ka agad po ito,” pahayag ni Fernandez.
Base sa draft ng proposed ordinance ni Fernandez, ang mga financial firms katulad ng banks at pawnshops ang dapat maglagay ng CCTV. Dagdag rito ang mga shopping malls, supermarkets, wet markets at mga medical facilities gaya ng ospital, clinics, at mga laboratories.
Ang mga internet cafes, public transportation terminals, parking lots, at gasoline stations ay kailangang maglagay ng mga CCTV cameras.
Aniya, kung maipapasa, magiging requirement ang certification na nagpapatunay na may naka-install na CCTV sa isang establisyemento bago ito mabigyan ng business permit ng Business Permit and Licensing Office ng munisipyo.
Kung sakali, ang nasabing ordinansa ay magiging amendment sa Ordinance No. 2019-35 o ang CCTV Ordinance of Odiongan.


























