Isang magsasaka sa bayan ng Odiongan, Romblon ang nasawi sa kalagitnaan ng malakas na ulang dala ng bagyong Paeng nitong Sabado matapos hinihinalang mabagsakan ng puno ng niyog.
Kinilala ni Major Edwin Bautista ng Odiongan Municipal Police Station, ang nasawi na si Giovani Ruiz Barcenal, 56, residente ng Barangay Tuburan.
Batay sa ulat ng pulisya, pumunta si Barcenal nang kanyang sakahan umaga ng Sabado ngunit pagdating ng tanghali ay hindi bumalik sa kanilang tahanan kaya ipinahanap ito ng kanyang asawa. Bandang alas-3:30 ng hapon nang makita ang walang buhay na katawan ng magsasaka.
Nakita itong nakahandusay sa kanyang sakahan katabi ng natumbang puno ng niyog na hinihinalang bumagsak sa kanyang paa.
Ayon sa kanyang asawa, may sakit sa pandinig ang magsasaka kaya posibleng hindi nito napansin ang puno ng niyog bago ito matumba sa kanya.
Dinala na sa punerarya ang nasawing magsasaka.