Muling nagbabala ang Department of Trade and Industry – Romblon laban sa mga substandard at pekeng mga appliances na ginagamit ng publiko.
Sa ginanap na Kapihan sa PIA Romblon nitong Sabado, October 22, sinabi ni DTI Romblon Provincial Director Noel Flores na posibleng makapaminsala o magsanhi ng sunog ang mga peke at substandard na mga produkto dahil hindi ito dumaan sa masusing pagsusuri ng gobyerno.
“Pagsinabi nating substandard o non-compliant, ang mga produktong ito ay hindi dumaan sa Bureau Of Philippine Standards testing,” pahayag ni Flores.
Nitong Sabado rin kasabay ng Consumer Fair 2022 na ginanap sa Odiongan, aabot sa P19,000 na halaga ng mga substandard na produkto ang sinira ng ahensya.
Kabilang rito ang mga pekeng receptacle, hand mixer, lighters at iba pa.
Para masiguro ang dekalikdad ng mga nabibiling produkto, sinabi ni Flores na ugaliing hanapin ang mga Import Commodity Clearance (ICC) stickers at Philippine Standard (PS) marks sa mga paninda. Maaring gamitin rin ang ICC Sticker Verification System mobile application para masigurong legitimate ang ICC stickers.
Sinabi pa ni Flores na mahalagang malaman ng publiko kung paano malalaman ang mga pekeng paninda lalo na ngayong magpapasko at maraming mamimili ng mga christmas lights.


























