Nasawi ang isang angkas na babae matapos maaksidente ang sinasakyan niyang motorsiklo sa Sitio Boliganay, Barangay Panique sa Odiongan, Romblon pasado alas-5 ng hapon nitong July 3.
Ayon sa ulat ng Odiongan Municipal Police Station, ang biktimang kinilalang si Aila Marie Sagon ay sakay ng motorsiklo na mula San Agustin, Romblon at pauwi na sanang Barangay Tumingad.
Kasama niya sa motorsiklo ang isa pang backride na si Jemma Ferrer, 39, residente ng Barangay Amatong sa parehong bayan.
Ayon sa ulat ng pulisya, pagdating sa pakurbang daan sa Sitio Boliganay ay biglang nawalan ng preno ang motorsiklo na minamaneho ni Gerald Rugas, 21, ng Poblacion, San Agustin. Dahil sa walang preno, sumalpok ang motorsiklo sa isang puno ng niyog.
Dead on the spot si Sagon matapos mabagok sa puno habang nagtamo ng galos sa katawan ang driver at isa pang angkas ng motorsiklo.
Dinala agad ang dalawang nakaligtas sa Romblon Provincial Hospital.
Ayon sa pulisya, mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicde at reckless imprudence resulting to physical injury ang driver.