Dahil sa ulat di umano na talamak ang vote-buying sa lalawigan ng Romblon tuwing eleksyon, maglulunsad ng kampanyang “No To Vote Buying” ang grupo ni dating Governor Lolong Firmalo.
Ito ang kanilang ibinahagi sa naganap na press conference nitong Biyernes, April 8, sa Barangay Mayha sa bayan ng Odiongan na dinaluhan rin nina Congressional Candidate Joey Venancio, Vice Governor Felix Ylagan at ng kanilang mga kandidato para sa Sangguniang Panlalawigan sa District 1 at District 2.
Sa pahayag ni SP member at dating Judge Jose Madrid, sinabi nito na magiging bahagi na ng kanilang kampanya ang ipakalat sa tao na huwag magpapaloko sa ibibigay na salapi ng mga kandidato.
Sinabi rin ni SP Madrid na handa itong tumulong legally sa mga magrereklamo ng vote-buying.
Ayon sa batas, pagkakakulong mula isa hanggang anim na taon ang parusa sa sinumang mapapatunayang masasangkot sa vote-buying tuwing eleksyon.
Magiging disqualified din na manungkulan sa gobyerno ang sinumang mapapatunayang gumawa ng krimen na ito.
Bagama’t may ulat, wala paring napapatunayan sa korte na nasangkot sa vote-buying sa probinsya.