May mahigit 100 Romblomanon ang nakatanggap ng tulong at naging benepisyaryo ng iba’t ibang programa ng gobyerno sa pamamagitan ng Integrated Assistance Recovery and Advancement Program o iSARAp nitong Sabado, April 23.
Ang nasabing aktibidad na ginanap sa Odiongan National High School ay second-leg na ng sa rehiyon ng Mimaropa na inorganisa ng Cooperative Development Authority o CDA sa pangunguna ni Undersecretary Joseph Ballota Encabo.
Maalalang nauna nang nagsagawa ng iSARAp sa Calapan City, Oriental Mindoro noong April 22.
Naging panauhing pandangal sa programa si Undersecretary Eduardo Gongona ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na tumalakay sa iba’t ibang proyekto na nagawa ng kanilang ahensya sa rehiyon ng Mimaropa partikular sa probinsya ng Romblon sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Kabilang sa mga natulungan ng iSARAP ay ang mga benepisyaryo ng Accelereated Coconut Planting/Replanting Program ng Philippine Coconut Authority, habang tumanggap naman ng mga kagamitan ang tatlong (3) organization sa Odiongan sa pamamagitan ng Shared Service Facility program ng Department of Trade and Industry.
Ang BFAR naman ay nagbigay ng mga alagaing isda, at mga gamit sa pangisda, sa 3 organisasyon ng mangingisda sa Odiongan at Santa Fe.
Namahagi naman ng pension ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa dalawang senior citizen ng Odiongan, habang ang Department of Education ay nagbigay ng dental kits sa mga IP schools kabilang na ang Palati Elementary School, Aurora Elementary School, Boliganay Elementary School, Canlumay Elementary School at Agojo Elementary School.
Ang CDA ay nagbigay ng tulong sa mga kooperatibang naapektuhan ng pandemya kabilang na ang San Jose Family Care Credit Coop, Sikap Kabuhayan Agrarian Reform Cooperative, Farm Operators Multipurpose Cooperative at Centrum Multipurpose Cooperative.
May pinagkaloob ring tulong ang Department of Environment and Natural Resources, Department of Health, Department of Information and Communications Technology at ang National Commission on Indigenous Peoples sa kanilang mga benepisyaryo.
Ang iSARAp ay isang programa ng pamahalaan na naglalayong ipakita sa publiko ang mga nagawa ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte at masigurong naipatutupad ito ng tama.
Bahagi ito ng “whole-of-government” approach ng pamahalaan sa pagbibigay serbisyo sa Pilipino.