Pinaghahanap ng mga kapulisan sa Romblon ang lalaking suspek sa naganap na pananaksak sa bayan ng Calatrava noong unang araw ng 2022.
Ang suspek ay kinilalang si Michael Fajutina, 40, residente ng Barangay Linao.
Ayon sa ulat ng Calatrava Municipal Police Station, bandang 8:20 ng gabi umano ng dumating ang suspek sa kanilang bahay kung saan kinumpronta siya ng kanyang live-in partner na si Josephine Festin Fajel dahil sa mga perang natalo ng suspek sa pagsusugal.
Nag resulta ito ng mainit na talunan ng dalawa na nauwi nga sa pananaksak ng suspek sa biktima.
Nagtamo ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima na agad namang isinugod sa Romblon Provincial Hospital habang ang suspek ay agad na tumakas dala ang ginamit nitong patalim.
Ayon sa mga kamag-anak ng biktima, stable na ang lagay nito sa ngayon sa ospital.
Panawagan ng pamilya ni Fajel, makipag-ugnayan agad ang publiko sa kapulisan kapag makita ang suspek.