Dead on the spot ang isang lalaking helper matapos mauwi sa pananaksak ang masaya sanang inuman sa Barangay Bangon, Odiongan, Romblon kagabi, December 12.
Ayon sa ulat ng Odiongan Municipal Police Station, nag-inuman ang biktimang si Agustin Tomaquin at ang suspek na si Gander Gunaca Biliran sa isang tindahan nang mauwi sila sa pagtatalo.
Matapos ang inuman, umuwi ang dalawa sa Amihan Farm kung saan sila nagtatrabaho pero sa entrance palan ng farm ay sinuntok na ng biktima ang suspek sa mukha dahilan upang mas magalit ito.
Pumunta ng kanyang kwarto ang suspek kung saan kumuha siya ng kutsilyo saka hinabol ang biktima na nanuntok sa kanya.
Pagdating sa may ruweda, nakorner ng suspek ang biktima at dito na siya pinagsasaksak sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan, na naging dahilan naman ng kanyang agarang pagkamatay.
Tumakas naman agad ang suspek sa hindi pa alam na direksyon.
Nagsasagawa na ng hot pursuit operation ang Odiongan Municipal Police Station para sa agarang ikaaresto ng suspek.
Mahaharap ito sa kasong murder.