Napailawan na bago mag-Pasko ng Tablas Island Electric Cooperative, Inc. (TIELCO) ang tatlong Sitio sa Calatrava at San Jose, Romblon na matagal ng hindi naabot ng kuryente.
Ayon kay TIELCO General Manager Dennis Alag, ang mga sitio na ito ay ang Upper Tondo at Purok 1 sa Barangay Linao, Calatrava; at Sitio Upper Pawa sa Barangay Combot, San Jose.
Bahagi ang nasabing proyekto ng Sitio Electrification Projects na pinondohan ng National Electrification Administration (NEA) para sa taong 2021.
Ngayon ay hindi na magtitiis sa lampara ang mga residente ng lugar dahil magkakaroon na sila ng supply ng kuryente na matagal na rin nilang ginugusto pero pahirapang maabot dahil sa layo ng mga nabanggit na sitio.
Samantala, target ng TIELCO na mapailawan rin ang Sitio Lumandong sa Bgy. Limon Norte sa Looc, Romblon bago matapos ang taon.