Mahigit 300 residente ng anim (6) barangay sa bayan ng Odiongan sa Romblon ang nakatanggap ng tulong mula sa Ambagan Philippines, isang grupo ng mga volunteers na naghahatid ng tulong sa mga apektado ng pandemya.
Kasama si Marinduque Vice Governor Romulo A. Bacorro at Ambagan MIMAROPA Coordinator John Mark Forcado, unang tinungo ng grupo ang aabot sa 30 utility workers sa Romblon State University Main Campus.
Binigyan sila ng 5 kilo ng bigas, mga face masks, at mga vitamins na tutulong sa kanila sa gitna ng kinakaharap na pandemya ng bansa.
Matapos nito ay dumiretso sila sa mga barangay ng Panique, Mayha, Rizal, Progreso Weste, Malilico, Bangon, at Tabobo-an, upang magbigay rin ng tulong sa mga residente rito na apektado ng pandemya.

Sa isang mensahe, sinabi ni Ambagan MIMAROPA Coordinator at isa sa mga nominee ng Ambagan Philippines Partylist na si John Mark Forcado na bagama't maliit ay makakatulong ito ng malaki sa mga Odionganon na lubos na nangangailangan ng tulong ngayong pandemya.
Nagpasalamat rin ito sa mga tumulong o ‘nag-ambag' upang malikom ang mga ipinamigay nila kabilang na ang opisina ni Vice President Leni Robredo at ang Romblon Book Club na naging local partner ng Ambagan Philippines sa bayan.


























