Naitala ngayong araw ng Pasko ang bagong kaso ng tinamaan ng coronavirus disease 2019 o Covid-19 sa bayan ng Romblon, Romblon.
Ayon sa Romblon Rural Health Unit (RHU), ang nasabing pasyente ay close-contact ni Case No. 100 at ito ay residente ng Barangay Bagacay.
Isa itong 53 anyos na babae at kasalukuyan namang asymptomatic.
Sinabi rin ng Romblon RHU na dumating na ngayong araw ang real-time reverse transcription polymerase chain reaction (rRT-PCR) test result ng pasyenteng namatay sa Romblon District Hospital noong nakaraang araw at ito umano ay negatibo sa virus.
Muling nagpaalala ang otoridad na mag-ingat at sumunod sa ipinatutupad ng gobyerno lalo na ang hindi muna paglabas ng tahanan kung wala namang importanteng gagawin sa labas, ang pagsusuot ng face mask at face shield, paghuhugas ng kamay at pagpapanatili ng social distancing.