Simula alas-12 ng tanghali ng September 3, tatanggalin na ng lokal na pamahalaan ng Santa Maria ang ipinatupad nitong total lockdown sa buong bayan kasunod ng paglabas ng resulta ng swab test na isinagawa sa mga close-contact ng dalawa nilang Covid-19 patient.
Sa executive order ni Mayor Lorelie Fabon, sinabi nito na ang 17 close contacts ay nag negatibo sa Reverse transcription polymerase chain reaction o RT-PCR test ayon sa pinadala sa kanilang resulta ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) nitong umaga ng Huwebes.
Balik trabaho na rin ang construction industry sa lugar, batay sa EO ni Mayor Fabon.
Ang religious at mass gatherings ay papayagan na rin muli basta masisiguro na 50% lamang ng venue capacity ang mga dadalo.
Bagama’t tinanggal na ang lockdown, suspendido parin ang pagpapauwi ng mga locally stranded individual at returning overseas Filipino.
Samantala, patuloy na inoobserbahan ng Rural Health Unit ng Santa Maria ang dalawa nilang Covid-19 patient na kasalukuyang naka-isolate sa isa nilang isolation facility.