Pinayagan na ngayong Miyerkules ng Provincial Inter-Agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases (PIATF-MEID) na makauwi ang mga stranded na Overseas Filipino Worker (OFW) na kasalukuyang nasa Luzon.
Napagkasunduan ng task force sa pangunguna nina Governor Jose RIano at Congressman Eleandro Madrona na ang lahat ng uuwi na OFW ay kailangang makipag-ugnayan sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) para sa pagpro-proseso sa kanilang mga papeles at clearance para makauwi sa lalawigan.
Sa binubuong guidelines ng task force, nakasaad na dapat may hawak na certification ang isang OFW katulad ng certification na natapos niya ang 14-day quarantine, nagpapatunay na negatibo siya sa RT-PCR test, cleareance mula sa local government unit na uuwian niya, at sa Gobernador ng lalawigan, at iba pa.
Pagdating nila ng Romblon, dadalhin sila sa isang isolation area at idadaan mula sa rapid testing para masigurong hindi siya nakapitan ng virus habang bumabiyahe pauwi ng probinsya.
Inaasahang ilalatag sa susunod na araw ng Pamahalaang Panlalawigan ang kompletong guidelines at requirements para sa mga OFW na uuwi sa probinsya.
Samantala, hindi pa napagkakasunduan ng mga miyembro ng PIATF-MEID na pauwiin ang mga stranded na estudyante, at ang mga nagbakasyon na naabutan ng lockdown sa Luzon.