Sugatan ang isang sakay ng isang motorsiklo sa Sitio Hablon, Barangay Tanagan, San Andres, Romblon matapos itong barilin ng hindi pa nakikilalang suspek nitong gabi ng Huwebes.
Ayon sa ulat ng San Andres Municipal Police Station, pauwi na galing sa panliligaw ang dalawang magka-angkas na biktima na kinilalang sina JayPaul Galin, at Carlo Gacute sa Barangay Victoria nang mangyari ang krimen.
Pagdating umano ng dalawa sa may hilly portion ng Sitio Hablon, dito na nakarinig ng putok ng baril ang dalawa at nagulat nalang si Galin na dumudugo na dahil sa tama ng baril ang kanyang kanang paa kaya pinamadali niya ang driver na si Gacute sa pagmamaneho.
Dumiretso ang dalawa sa San Andres District Hospital para agad na magpagamot.
Sa panayam ng Romblon News Network kay Police Captain Edwin Bautista, may mga tinitingnan na umano silang anggulo sa ngayon at may mga itininuturing na ring persons of interest.
Inaalam rin ng pulisya kung bakit nasa labas ng kanilang mga pamamahay ang dalawang biktima kahit may ipinatutupad na enhanced community quarantine sa lalawigan.
Ligtas na ngayon ang lagay ni Galin.