Hiniling ni Congressman Eleandro Madrona sa mga nagpapakalat ng fake news sa social media na makipagtulungan nalang sa gobyerno sa halip umanong nagpapakalat ng mga pekeng impormasyon na nakakapagresulta ng panic sa mga tao lalo pa umano ngayong may kinakaharap na krises ang bansa.
Sa ginanap na pagpupulong ng Provincial Inter-Agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases (PIATF-MEID) sa Odiongan nitong Miyerkules, sinabi ng kongresista na may mga nagpapakalat ng fake news online at sinisiraan umano ang mga alkalde sa probinsya.
“Gusto ko lang sana hingiin ang tulong ng ating media, especialy alam mo minsan, nakairita na rin, naawa ako sa ating mga mayors minsan dahil dito sa mga lumalabas na fake news sa [social] media, sana iwasan nalang natin. Magtulungan na tayo, hindi na tayo dapat nag-aano no…kasi minsan napapalukso tayo pag sinabing may ganito tapos pag tingnan natin, wala naman palang katutuhanan,” ayon sa kongresista.
“Dapat dito magtulungan nalang tayong lahat, kung talagang ‘yung gumagawa ng mga ganitong issue ay totoong Romblomanon, they should be helping us, sa halip na pinapalaki nila at gumagawa ng mga ganyan,” dagdag nito.
Pinaalala ni Congressman Madrona na posibleng maharap sa paglabag sa Republic Act 11469 o Bayanihan Act ang sinumang magpapakalat ng pekeng balita at impormasyon sa social media na makakapag resulta ng panic ng mga tao.
Samantala, pinasalamatan naman ng kongresista ang mga lehitimong mamahayag na patuloy na naghahatid ng tamang impormasyon sa publiko sa kabila ng kinakaharap na pandemya ng bansa.