Patay ang isang lalaki sa bayan ng Santa Maria, Romblon matapos itong pagsasaksakin sa gitna ng inuman sa Barangay Santo Niño nitong gabi ng Huwebes.
Kinilala ng Santa Maria Municipal Police Station ang biktima na si Jomar Paulino. Ang suspek sa krimen, ang 14 taong gulang na pamangkin ng mismong biktima.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, katatapos lang maghakot ng lugit ang dalawa kasama ang tatlong iba pa nang magkayayain mag-inuman. Habang nag-iinuman, may nabanggit di umano ang biktima na hindi maganda at nagbanta sa suspek na uubusin nito ang pamilya ng bata.
Hindi nagtagal, kinuha ng menor de edad na suspek ang kutsilyo na ginagamit sa panghiwa ng kanilang pulutan, at walang habas na pinagsasaksak ang nakainum na si Paulino.
Agad binawian ng buhay ang biktima matapos magtamo ng tatlong saksak. Sinubukan pa siyang dalhin sa pagamutan ngunit idineklara itong dead on arrival.
Samantala, hawak na ngayon ng kapulisan ang menor de edad na suspek.