Sugatan ang lima na sakay ng isang compact SUV matapos itong masalpok ng isang 6-wheeler truck sa kahabaan ng national road sa bahagi ng Barangay Guinhayaan, Looc, Romblon.
Nangyari ang aksidente nitong Sabado, February 29.
Batay sa police report mula sa Looc Municipal Police Station, patungo sana ang compact SUV sa town proper ng Looc ngunit pagdating sa intersection ng kalsada sa Barangay Guinhayaan, bigla nalang itong nasalpok ng truck na patungo naman ng Alcantara.
Dahil sa lakas ng pagkakasalpok, nayupi ang gilid ng compact SUV habang isinugod naman sa Don Modesto Formilleza Sr. Memorial Hospital ang driver nito na si Wilfred De Leon, residente ng Odiongan, gayun rin ang apat nitong sakay na pasahero.
Agad namang inaresto ang driver ng truck na kinilalang si Alvin Candido, residente ng Barangay Limon Norte.
Patuloy na iniimbestigahan ng Looc Municipal Police Station ang nasabing aksidente.