Dumagsa ang mga umuwi ng probinsya ng Romblon nitong nakalipas na mga araw mula National Capital Region (NCR) at iba pang probinsya kasunod ng pag-anunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte na magpapatupad siya ng ‘community quarantine’ sa NCR ngayong March 15.
Ngayon lamang araw, may aabot sa 1,100 na mga pasahero na sakay ng barko ng Montenegro Shipping Lines galing Batangas ang bumaba sa Poctoy Port, kinumpirma ito ng Public Information Office ng Odiongan.
Ayon sa kanila, nagpapatuloy parin ang biyahe papasok ng Poctoy Port at may inaasahan pang panibagong dagsa na darating sa lalawigan.
Nagpapatuloy naman ang kanilang mahigpit na pagbabantay sa pantalan. Ang mga pasahero ay ituturing na patients under monitoring o PUM, at kinakailangang dumaan sa 14-days self quarantine sa kanilang mga bahay.
“Ang mga pasahero ay kinailangan magsumite ng kanilang health declaration card at sumailalim sa temperature checking bago payagang makaalis. Namigay rin tayo ng mga flyers patungkol sa 14-Day mandatory quarantine ng mga galing sa NCR at iba pang lugar na COVID-19 infected,” ayon sa opisina.
Lahat ng mga pasaherong ito pagdating sa kanilang mga bayan o barangay ay laging bibisitahin ng mga Barangay Health Response Team na binuo ng Department of the Interior and Local Government.