Arestado ang isang Small Town Lottery (STL) employee sa bayan ng Calatrava, Romblon matapos di umanong mabilhan ng ipinagbabawal na shabu nitong Biyernes ng hapon.
Kinilala ang naarestong suspek na si Ruel Fajutag, 44-taong gulang, residente ng Barangay Poblacion.
Ayon sa police report mula sa Romblon Police Provincial Office, ang operasyon ay ikinasa ng Provincial Intelligence Branch, Philippine Drug Enforcement Agency – Mimaropa, Calatrava Municipal Police Station, at Romblon Provincial Mobile Force Company.
Hapon ng Biyernes ng mabilhan umano ng isa sa operatiba ang suspek ng isang sachet ng pinaghihinalaang shabu sa halagang P2,000. Agad na inaresto ang suspek matapos di umanong magkaabutan.
Itinanggi ng suspek ang mga paratang sa kanya.
Dinala na si Fajutag sa Calatrava Municipal Police Station para sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o mas kilala bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.