Nauwi sa pananaga ang mainit na pagtatalo ng magkapatid na Rominie at Ronald Gallos sa San Agustin nitong gabi ng Martes.
Sa imbestigasyon ng San Agustin Municipal Police Station, nag-iinuman ang magkapatid sa Barangay Doña Juana nang mauwi sa mainit na pagtatalo at sigawan ang kanilang usapan.
Hindi nagtagal kumuha ng bolo ang suspek na si Ronald at tinaga sa mukha si Rominie ngunit nadaplisan lang ang biktima. Gumanti naman ang biktima, bumunot ito ng bolo at tinaga rin sa kamay ang suspek.
Matapos ang tagaan, inaresto ng mga kapulisan ang suspek at dinala sa Tablas Island District Hospital para gamutin.
Sa ngayon, nakakulong na sa San Agustin Municipal Police Station ang suspek habang patuloy na inaalam ang posibleng pinagmulan ng pagtatalo ng dalawa na nauwi sa pananaga.
































