Arestado sa isang operasyon ng otoridad sa bayan ng San Andres, Romblon nitong umaga ng Sabado, ang mag-aamang di umano’y business ang pagbebenta ng iligal na droga.
Kinilala ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) – Romblon ang mga naaresto na sina Eddie Antonio, ang ama ng tahanan, at mga anak nitong sina Ace, Edmar, at Jomar.
Ikinasa ang operasyon sa pakikipagtulungan ng Romblon Police Provincial Office – Provincial Drug Enforcement Unit, PDEA-Romblon, San Andres Municipal Police Station, at Odiongan Municipal Police Station.
Ayon sa otoridad, isang agent ang nagpanggap na bibili sa mga suspek ng droga sa halagang P100,000 at nang magkaabutan na, sumenyas ang ahente dahilan para matiklo ang apat.
Ang droga, nakalagay pa umano sa loob ng sapatos na dala ng mga suspek.
Maliban sa droga, nakuha rin sa kanila ang pekeng pera na ginamit sa transaksyon, at marked money.
Ayon kay Eddie Antonio, matagal na umano siyang hindi gumagamit ng droga ngunit umamin ang isa sa kanyang mga anak na gumamit ng droga noon lamang Disyembre.
Nakakulong na ngayon ang apat sa San Andres Municipal Police Station at nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.