Hindi sa paputok kundi sa pananaksak nagkasugat ang isang lalaki sa Barangay Tuburan, Odiongan, Romblon sa unang araw ng taong 2020, ayon sa report ng Odiongan Municipal Police Station.
Kinilala ang biktima na si Hercinito Gadon, habang ang suspek ay si Diosdado Peñalosa.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, nakikipag-inuman si Peñalosa kasama ang ilang kalalakihan malapit si bahay ni Gadon nang biglang magkaroon ng pagtatalo ang dalawa dahil umano sa matagal na nilang hindi pagkakasunduan. Hindi nagtagal, bumunot ng patalim ang suspek at sinaksak ang biktima.
Agad namang tumakas ang suspek habang ang biktima ay agad na isinugod sa Romblon Provincial Hospital kung saan siya nagpapagamot.
Samantala, nagpapatuloy parin ang manhunt operation ng pulisya laban sa tumakas na suspek.