Aabot sa 95 na baby olive ridley sea turtle ang pinakawalan sa dagat sa Barangay Bunsuran, Ferrol, Romblon nitong Linggo ng hapon, January 12.
Nagsama-sama ang ilang volunteers, mga bantay dagat, at mga tauhan ng Department of Environment and Natural Resources at Department of Science and Technology sa pagpapakawala sa mga baby sea turtle.
Ayon kay Engr. Raymund Inocencio ng DENR-Romblon, ang mga baby olive ridley sea turtle ay maingat na inalagaan ng mga tauhan ng Bantay Dagat Ferrol sa Pawikan Hatchery ng Bgy. Bunsuran simula ng ito sila ay makita noong Nobyembre 2019.
“Ang olive ridley sea turtle ay common na nakikita dito sa Tablas, at magandang bagay na maraming pawikan ang nangingitlog sa atin. Siguro dahil, sigurado yung mga pawikan na ligtas ang mga itlog nila sa ating baybayin,” ayon kay Engr. Inocencio.
Base sa datus ng Bantay Dagat Ferrol, may aabot pa sa mahigit 150 na itlog ang inaalagaan nila sa kasalukuyan sa kanilang Pawikan Hatchery.
Para sa otoridad, malaking bagay ang pagpapakawala sa mga baby pawikan para dumami pa ang sila sa karagatan.