Sa ospital ang diretso ng isang lalaki sa Odiongan, Romblon matapos itong masangkot sa salpukan ng motorsiklo at tricycle sa Barangay Libertad nitong gabi ng Sabado.
Sa imbestigasyon ng Odiongan Municipal Police Station, patungong norte ang rider na si Michael Manalon, 39, nang bigla nitong masalpok ang tricycle na kasalubong niya. Lumiko umano ng kanan ang tricycle matapos mag signal light ngunit hindi umano napansin ni Manalon dahilan upang masalpok niya ito.
Ayon sa pulisya, mabilis ang patakbo ni Manalon kaya hindi na ito nakapreno agad.
Agad na dinala si Manalon sa Romblon Provincial Hospital ng mga rumespondeng tauhan ng Bureau of Fire Protection – Odiongan matapos magtamo ng sugat sa katawan habang ang driver naman ng tricycle na si Mateo Morente ay hindi nasugatan sa aksidente.
Napag-alaman rin ng pulisya na walang suot na helmet ang rider, at wala ring lisensya.
Dinala na sa Odiongan Municipal Police Station ang mga sangkot na sasakyan habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.