Ilang mga simbahan sa lalawigan ang hindi pinalampas ng hanging dala ng bagyong Tisoy nitong Martes.
Isa sa mga apektadong simbahan ay ang St. Isidore the Worker Chapel sa Barangay Cabolutan sa bayan ng San Agustin, Romblon.
Hindi lang natuklap, at nahulog ang kesama ng simbahan, nalubog rin ito sa hanggang tuhod ng baha sa kasagsagan ng pananalas ng bagyong Tisoy sa lugar.
Kwento ng caretaker nito, binabantayan niya ang simbahan noong hindi pa gaano kalakas ang hangin ngunit lumikas rin sila nang maramdaman na nila na delikado sila sa kanilang bahay.
Kahit umano malayo sila sa simbahan, naririnig nila ang dagundong ng yero at bumungad nalang sa kanila pagkatapos ng bagyo ang nagtuklapang bubong ng simbahan.
“Mataas rin ang baha dito, yung mga gamit may mga nasira at may mga nabasag sir. ‘Yung iba naisalba namin sa taas ngunit ‘yung iba talaga nabasag talaga, madaming nabasag,” ayon sa caretaker.
Kahit umano nagtamo ng mga sira ang simbahan, pag naayos na umano ito, itutuloy parin ang Simbang Gabi sa darating na December 16, para ramdam parin ng mga residente sa lugar ang diwa ng pasko kahit naapektuhan sila ng bagyong Tisoy.