Sugatan ang isang 54 anyos na babae matapos saksakin ng screw driver ng lalaking live-in partner ng kanyang anak nitong December 7 ng madaling araw.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Lucy Magango habang ang suspek ay kinilalang si Carl Sabigan Fabiculana, 37 anyos, residente ng Looc, Romblon.
Sa imbestigasyon ng Odiongan Municipal Police Station, pumunta umano ang lasing na suspek sa bahay ng biktima at pinilit na pumasok sa pintuan. Nang makapasok, agad na sinugod ng suspek ang biktima at sinaksak ng screw driver.
Agad namang tumakas ang suspek matapos ang krimen habang ang biktima ay agad na isinugod sa Romblon Provincial Hospitall ng mga sumaklolo rito.
Naaresto na sa Sitio Masipag, Barangay Limon Norte, Looc, Romblon ang tumakas na suspek ilang oras matapos ang krimen ngunit hindi na nakuha ang screw driver na ginamit sa pananaksak.
Nakakulong na ngayon ang suspek at mahaharap sa kasong frustrated murder.