Sumemplang ang isang rider at ang sakay nito matapos masalpok ang isang tumawid na galang aso sa Barangay Batiano, Odiongan, Romblon nitong gabi ng Linggo, November 10.
Sa imbestigasyon ng Odiongan Municipal Police Station, patungo na sana ng Poblacion ang rider at ang kasama nito nang mangyari ang nasabing aksidente.
Tumilapon ang dalawang sakay dahilan kaya nagtamo sila ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Agad silang isinugod sa Romblon Provincial Hospital ng mga sumaklolong motorista para gamutin.
Patuloy na iniimbestigahan ng Odiongan Municipal Police Station ang aksidente.
Batay Republic Act 9482 o mas kilalang Anti Rabies Act of 2007, ang mga aso ay bawal na pagala-gala sa labas ng bahay lalo na sa mga kalsada.