Walang nakikitang pagtaas ang Department of Trade and Industry – Romblon (DTI-Romblon) sa presyo ng mga bentang noche buena items sa mga malalaking tindahan sa lalawigan ng Romblon.
Sa pahayag ni Noel Flores, provincial director ng DTI-Romblon, nang ito ay dumalo sa Kapihan sa PIA-Romblon noong November 18, sinabi niyang hindi pagtaas kundi pagbaba sa presyo ng ilang produkto ang kanilang nakita.
“As of November 4, ang keso de bola ay may pagbaba ng presyo, pero ‘yung iba talaga walang pagbabago. Dalawang brand ng keso de bola, dalawang brand ng spaghetti, at dalawang brand ng tomato sauce ang nagbawas ng 2%-8% sa presyo ngayong taon kumpara sa presyo ng 2018,” ayon kay Flores.
“May aabot sa 134 naman na produkto na aming binabantayan ang wala talagang paggalaw sa presyo sa ngayon. Kung ano ang presyo niya noong nakaraang taon, ganun parin ngayong taon,” dagdag ni Flores.
Sa pagbabantay ng DTI-Romblon, naglalaro sa P169-P435 ang presyo ng keso de bola, P47.50-P205 ang cheese, P28-P205.80 ang sanwich spread, at P28-P283 naman ang mayonnaise.
P30 hanggang P92.50 naman ang presyo ng pasta o spaghetti, P22 hanggang P84.20 naman ang spaghetti sauce, P12.25 hanggang P78.25 naman ang tomato sauce at P16.50 hanggang P89.25 ang macaroni.
Patuloy umano ang kanilang pagbabantay sa mga malalaking tindahan sa lalawigan para masigurong hindi sobra ang presyo ng ibinbentang produkto rito.