“Everything is at place regarding our preparation for the Southern Tagalog Regional Association of State Universities and Colleges (Strasuc) Olympics na gaganapin dito sa bayan ng Odiongan.”
Yan ang mga pahayag ni Mrs. Mary Jude Gabat, Tourism Officer ng bayan ng Odiongan, kaugnay sa paghahanda ng bayan sa nasabing palaro na gaganapin sa bayan ng Odiongan sa darating na November 22 hanggang 28 kung saan inaasahang may aabot sa 3,500 na mga manlalaro at mga bisita ang dadayo sa bayan para sa nasabing aktibidad.
Nakipagpulong na rin umano ang pamunuan ng Romblon State University kasama ang lokal na pamahalaan ng Odiongan sa mga tauhan ng Odiongan Municipal Police Station, sa mga hotel owners, food vendors, tricycle drivers associations, at iba pang miyembro ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council na malaki ang partisipasyon sa paghahanda sa nasabing aktibidad.
“Inaasahang dadating ang ating mga atleta mula sa iba’t ibang school sa November 21, kaya dapat ngayon ay handa na tayo. Almost, let’s say, 95% na tayong handa,” dagdag ni Mrs. Gabat.
“Ipapakita natin sa ating mga bisita na dito sa atin ay ‘Vibrant Odiongan: Your heart, Your Home, Your Future’,” pabaon ni Mrs. Gabat.
Si Gabat ay naging bisita sa ginanap na Kapihan sa PIA-Romblon nitong November 04 sa bayan ng Odiongan.