Sugatan sa pananaksak ng kanyang pinsan ang isang lalaki sa bayan ng Looc, Romblon nitong nakalipas na Linggo, November 10.
Ayon sa Looc Municipal Police Station, nakikipaglaro ng pusoy ang biktimang si Antonio Gregorio sa lamay ng kanyang live-in partner nang magkaroon ng pagtatalo ang biktima at ang suspek na si Danilo Condes.
Walang ano-ano’y biglang bumunot ng patalim ang suspek at sinaksak si Gregorio.
Agad namang tumakas ang suspek matapos ang krimen habang ang biktima dali-daling isinugod sa Don Modesto Formilleza Sr. Memorial Hospital para gamutin.
Naaresto naman ang suspek ng mga tauhan ng Looc Municipal Police Station matapos ang ikinasa nilang hot pursuit operation laban rito.
Nakuha nila sa suspek ang isang 10-inches na patalim na pinaniniwalaang ginamit sa krimen.
Nakakulong na ngayon ito sa Looc Municipal Police Station at nahaharap sa kaukulang reklamo.