Nailigtas nitong hapon ng November 12 ng mga crew ng Starhorse Shipping Lines dagat na sakop ng bayan ng San Agustin, Romblon ang isang mag-asawa na tatlong oras nang palutang-lutang sa dagat matapos tumaob ang sinasakyan nilang bangka dahil sa malalakas na alon.
Kinilala ni PO3 Russel Almon Alivio, commander ng Coast Guard Sub Station – San Agustin, ang mag-asawa ay kinilalang sina Mrs. Anelie Moncawe, at Mr. Joney Moncawe na tubong Alad Island, Romblon.
Galing umano ang dalawa sa isla at patungo sana ng Barangay inongaan, San Agustin sa Tablas Island nang hagupitin ng malalakas na alon ang kanilang sinasakyang bangkang M/B Diana.
Sinubukan umano nila humingi ng tulong ngunit wala umanong dumadaan na bangka malapit sa kanila at nalubog rin sa tubig ang dalawa nilang mga cellphone hanggang sa dumaan ang barko ng Starhorse Shipping Lines sa lugar.
Ligtas na ngayon ang dalawa at kasalukuyang nasa pangangalaga na ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng San Agustin.
Nakikipag-ugnayan na rin ang otoridad sa mga kamag-anak ng mga nailigtas para maipalam ang sitwasyon ng dalawa.
































