Pinailawan na ngayong Huwebes, November 21, ang Christmas village ng bayan ng Looc, Romblon na may tema ngayong taon na ‘White Christmas’.
Pinangunahan ni Mayor Lisette Arboleda, at Vice Mayor Dianson Taytay ang lighting ceremony na dinaluhan ng mahigit 1,000 na manonood.
Ang nasabing Christmas Village ay pinuno ng mga kulay puting pailaw, at mahigit 1,000 parol na nakalagay sa mga puno, hanggang sa paligid ng malalaking belen, at sa 25ft Giant Christmas Tree ng bayan.
Tuwang-tuwa naman ang mga sumaksi sa pagpapailaw dahil hindi lang ang pinailawang Christmas village ang kanilang napanood kundi kasama na ang mga talento ng estudyante ng iba’t ibang paaralan sa bayan na ipinakita sa maikling programa bago ang pailaw.
Ayon kay Mayor Arboleda, ika-6 na taon na ngayong nagkakaroon ng pailaw sa sentro ng bayan tuwing pasko at naging tradisyon na umano ito sa kanila.
Maari na umanong pasyalan ang kanilang Christmas Village gabi-gabi hanggang sumapit ang bagong taon.