Humupa na ang baha na dala ng Ramon kaninang umaga sa bayan ng Odiongan pero putik naman ang kalaban ng mga residenteng binaha.
Sa Barangay Hall ng Poctoy na isa sa mga naapektuhan ng baha, todo-todo ang kanilang paglilinis dahil ang putik umabot sa session hall ng Barangay.
Gamit ang timba, tubig, at walis, kanilang inaalis ang mga putik na pumasok sa kanilang maliit na gusali.
Madulas naman ang labas ng barangay hall dahit sa putik.
Ang katabi nitong Day Care Center, sarado pa pero inaasahan ring pinasok ng putik sa loob.
Samantala sa Barangay Bangon, humupa na rin ang baha at maswerteng hindi naman dinala ng agos ng ilog ang isang bahay na kanina ay dinadaanan na ng tubig.
Humupa na rin ang baha sa iba pang bahagi ng Barangay Dapawan, Tulay, Tabobo-an, at Malilico.