Apat katao ang naitalang sugatan sa karambola ng tatlong sasakyan sa National Road na bahagi ng Barangay Calunacon, San Andres, Romblon kaninang hating gabi.
Kinilala ang mga nasugatan na sin Eljay Padua, 29; Kenneth Gabo, 34; Benrell Demura, 32; at Glorioso Hindap, 37.
Batay sa ulat ng pulisya, bandang 12:15AM kanina, magkasunod na binabaybay ng tatlong motorsiklo na sinasakyan ng mga naaksidente na pinapangunahan ng motorsiklong minamaneho ni Glorioso Hindap.
Bigla umanong nakatulog si Hindap at nag-crash sa kalsada, kasunod nito ang pagsalpok ng motorsiklo nina Padua, at Gabo sa natumbang motorsiklo.
Dahil dito, nagtamo ng fracture sa paa si Padua na dinala ng Romblon Provincial Hospital sa bayan ng Odiongan para gamutin habang ang tatlong ibang sangkot ay nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Sa pagsisiyasat ng San Andres Municipal Police Station galing sa drinking session ang apat bago magdesisyon na dumiretso ng Barangay Agpudlos para doon ituloy ang inuman.
Muling pinaalalahanan ng otoridad ang mga motorista na iwasan ang pagmamaneho kung nakainum na para iwas sa disgrasyang katulad nito.