Anim na barangay sa bayan ng Odiongan ang binaha kaninang umaga sa bayan ng Odiongan matapos makaranas ng malakas na pag-uulan dala ng bagyong Ramon.
Batay sa monitoring ng Romblon News Network, ang mga barangay na binaha ay ang Barangay ng Tulay, Bangon, Tabobo-an, Malilico, Dapawan, at Poctoy.
Sa barangay Poctoy, stranded ang ilang motorista matapos malubog sa tubig baha ang kalsadang nagkakonekta sa Barangay Poctoy sa Barangay Dapawan. Ang ilang motorista nagtangkang lumusong sa tubig, hindi kinaya at namatayan ng makina kaya napilitan nalang magtulak ng kanilang sasakyan.
Dahil hindi suspended ang pasok sa mga opisina, ilang mga empleyado ang mas pinili nalang sumabit sa matataas na truck para lang makatawid sa kalsada na tila naging dagat na dahil sa lawak ng baha.
Sa Barangay Tulay naman, hanggang leeg na ang baha sa ilang parte ng Barangay kaya ang ilang residente na nasa mabababang lugar, inilikas na rin pati ang mga alaga nilang aso at baboy. Ang kanilang mga motorsiklo, inilikas rin sa matataas na bahagi ng kalsada para hindi malubog sa tubig.
Para sa kaligtasan ng mga residenteng kasalukuyang binabaha sa Barangay Tulay at Bangon sa Odiongan, Romblon, pansamantala munang pinutol ng Tablas Island Electric Cooperative (Tielco) ang supply ng kuryente sa mga nabanggit na lugar.
Dahil parin sa pag-uulan, suspendedio ang klase sa lahat ng antas ng pribado at pampublikong paaralan sa bayan ng Odiongan ngayong araw ayon kay Odiongan mayor Trina Firmalo-Fabic.
Ang nararanasang sama ng panahon sa probinsya ay dahil sa epekto ng bagyong Ramon na kasalukuyang papalapit na sa kalupaan ng bansa.