Lima ang sugatan kabilang ang apat na estudyante sa salpukan ng dalawang motorsiklo sa kahabaan ng National Road sa Barangay Rizal, Odiongan, Romblon nitong hapon ng Lunes.
Base sa police report mula sa Odiongan Municipal Police Station, patungo ng Barangay Mayha ang isa sa mga motorsiklo na minamaneho ng isang 13 anyos na estudyante sakay ang kanyang tita, habang ang isang motorsiklo naman ay patungo ng Barangay Rizal at minamaneho naman ni Mamerto Manliguez Dulce, 20-anyos, sakay ang dalawang menor de edad.
Sa imbestigasyon ng pulisya, habang paliko umano sa pakurbang daan ang sasakyang minamaneho ni Dulce kumain umano ito ng linya at nasalpok ang motorsiklong kasalubong nito.
Tumilapon sa kalsada ang mga sakay na nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Agad dinala ang lima sa Romblon Provincial Hospital kung saan sila ginamot.
Wala umanong mga suot na helmet ang mga sakay ng dalawang naaksidenteng motorsiklo.