Naaresto ngayong araw sa lalawigan ng Romblon matapos ang 12 na taon ang lalaking wanted sa Paniqui, Tarlac dahil sa kasong 3 counts ng rape.
Kinilala ng pulisya ang naarestong suspek na si John Agbunag, kasalukuyang naninirahan sa bayan ng Odiongan.
Ayon sa Provincial Intelligence Branch (PIB) ng Romblon Police Provincial Office, taong 2007 pa ng maglabas ng warrant ang Regional Trial Court Branch 67 laban sa suspek ngunit umalis umano ito ng Tarlac.
Ang operasyon para mahanap ang suspek ay ikinasa ng Provincial Intelligence Branch kasama ang Odiongan Municipal Police Station.
Itinanggi naman ng suspek na may ginahasa siya sa Tarlac.
Si Agbunag ay itinuturing ring Top 7 Most Wanted Person ng Region 3, ayon sa PIB.
Nakakulong na ngayon ang suspek sa Odiongan Municipal Police Station at inaasahang dadalhin sa Tarlac para iharap sa korte.