Nauwi sa pananaksak ang masayang inuman ng magkakaibigan nitong gabi ng Linggo sa bayan ng Odiongan, Romblon.
Ayon sa imbestigasyon ng Odiongan Municipal Police Station, nakikipag-inuman ang live-in-partner ng Barangay Liwanag tanod na si Ronald Patnongon Sombria sa mga biktima na sina Guiller Fejer Atilano at Mark Asence Canite nang biglang itong dumating para sana sunduin ang kanyang kasama sa bahay.
Nakipag-usap umano ang suspek na tanod kay Atilano ngunit nauwi umano sa sagutan ang usapan ng dalawa.
Umalis pansamantala ang tanod ngunit bumalik rin ito agad dala na ang isang matalim na bagay at walang ano-ano ay sinaksak bigla si Atilano na tinamaan sa kanyang right chest. Sinubukan namang umawat ni Canite ngunit pati siya ay nasaksak ng tanod sa tiyan.
Agad na tumakas si Sombria matapos ang krimen habang ang dalawang duguan ay isinugod sa Romblon Provincial Hospital, ilang metro lamang ang layo sa pinangyarihan ng insidente.
Naaresto rin kinalaunan ang suspek matapos mahabol ng mga tauhan ng Odiongan Municipal Police Station, ngunit hindi na nakuha ang ginamit na patalim nito.
Nakakulong na ngayon si Sombria sa Odiongan Municipal Police Station at posibleng maharap sa kaukulang kaso.




































