Nagtamo ng galos sa paa ang isang babaeng rider matapos sumalpok sa gilid ng kasalubong niyang truck ang minamaneho nitong motorsiklo sa bahagi ng Dapawan-Torrel Road sa barangay Poctoy, Odiongan, Romblon nitong tanghali ng Miyerkules, October 23.
Kwento ng truck driver na kinilalang si Rene Fajila, patungo umano ng bayan ang dalagang rider nang mapunta sa kanyang linya at sumalpok sa gilid ng kanyang truck hanggang sa matumba sa kalsada.
Sa lakas ng pagkakasalpok, nagkalat sa kalsada ang mga debris mula sa nabasag na ilang bahagi ng motorsiklo ng babaeng rider.
Agad namang dinala sa Romblon Provincial Hospital ang rider matapos makaramdam ng pananakit sa ulo.
Patuloy na iniimbestigahan ng mga tauhan ng Odiongan Municipal Police Station ang nasabing aksidente.