Ikinagulat ng mga alkalde ng dalawang bayan ang naging resulta ng ginawang validation ng Department of Interior and Local Government (DILG) kaugnay sa ginawa nilang road clearing operation sa kanilang mga lugar.
Ayon kay Santa Maria mayor Lorelie Fabon, nakikipag-ugnayan na umano sila sa DILG kaugnay sa hindi pagpasa ng kanilang bayan sa kampanya para linisin ang mga kalsada at sidewalks mula sa obstructions. Nakikipag-ugnayan na umano siya sa MLGOO ng kanilang bayan, at sa mga tauhan ng Provincial office ng DILG sa lalawigan ng Romblon kaugnay sa lumabas na resulta.
“Tinawagan na namin si PD [German] Yap kaugnay dun sa resulta, kasi pagkakaalam ko ginawa naman namin ‘yung mga utos nila. Malinis na ‘yung mga kalsada namin,” ayon kay Fabon ng makapanayam ng Romblon News Network.
“Nagulat rin ako noong nabasa ko kagabi ‘yung balita kasi pagkakaalam ko nakapasa ang aming bayan,” dagdag ni Fabon.
Samantala, ikanagulat rin ni Calatrava mayor Mariet Babera ang pagbagsak ng kanilang bayan sa validation ng DILG.
“Paano kami bumagsak? Nag road clearing naman kami, tapos ang linis-linis ng aming Poblacion. Actually, nakipag-ugnayan ako sa lahat ng barangay captains bago bumisita ang validation team ng DILG para mapaghandaan ‘yun tapos biglang bagsak naman,” ayon kay mayor Babera.
Sinabi rin nito na tila nasayang ang kanilang ginawang effort kung ang resulta nito ay magiging dahilan para suspendehin ang mga opisyal ng bayan.