Sugatan ang isang laborer sa bayan ng Odiongan, Romblon matapos itong tagain ng lalaking nagwawala matapos mauwi sa pagtatalo ang kanyang tangkang pagawat sa suspek.
Ayon sa biktima na si Willy Famisan, bandang alas-9:30 kagabi nang marinig nila ang suspek na si Marlon Tambalque na nagwawala sa Barangay Poctoy kaya niya ito nilapitan. Sinubukan niya sana itong awatin ngunit nauwi sa pagtatalo ng dalawa.
Sandaling umuwi ang suspek na si Tambalque ngunit ngayon ay dala niya na ang isang bolo at walang ano-ano’y bigla nalang tinaga ang biktima sa kanyang kamay at agad na tumakas palayo sa lugar.
Agad na isinugod sa Romblon Provincial Hospital ang biktimang si Famisan habang patuloy na pinaghahanap ng mga tauhan ng Odiongan Municipal Police Station ang suspek na si Tambalque.
Patuloy na nagpapagaling si Famisan sa ospital.