Matagumpay na ginanap sa bayan ng Odiongan, Romblon nitong nakalipas na Sabado, October 26, ang 2019 Consumer Fun Run na inorganisa ng Department of Trade and Industry – Romblon.
Ang nasabing aktibidad ay bahagi ng pagdiriwang ng ahensya sa Consumer Welfare Month ngayong Oktubre.
Sinimulan ang nasabing event sa pamamagitan ng isang pagsayaw ng Zumba na sinundan naman ng pormal na pagtakbo paikot sa Poblacion ng bayan na may habang halos 5 kilometro.
Ayon kay DTI-Romblon Provincial Director Noel DR. Flores, may aabot sa 782 katao ang nakilahok sa consumer fun run, kung saan 170 rito ay simula sa “For the Win” category habang 482 naman ang sumali para tumakbo lang.
Sa huli, itinanghal si Robert Kyle Fillarca ng Santa Fe, Romblon bilang champion sa below 40 years old category, at si Randy Marinque naman ng San Andres, Romblon ang champion sa above 40 years old category.
Nagpapasalamat naman si Flores sa mga sponsors ng event, kabilang na ang mga government agencies na nakaisa sa Consumer Fun Run ng kanilang ahensya.
Layunin ng DTI-Romblon sa pagdiriwang nila ng Consumer Welfare Month na mapromote sa publiko ang misyon na matutukan lagi ang kapakanan ng mamimili.