Hindi bagsak, kundi medium compliance ang nakuha ng bayan ng Santa Maria sa ginawang assessment at validation ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa bayan kung sumunod ba ito sa utos ni President Rodrigo Duterte na linisin ang mga kalsada at sidewalks mula sa obstruction.
Batay sa nilabas na update ng DILG nitong Miyerkules ng hapon, lumalabas na tanging bayan nalang ng Calatrava sa probinsya ng Romblon ang bumagsak nangyaring validation.
Sa pahayag sa Facebook ni Santa Maria mayor Lorilie Fabon, sinabi nito na nagpapatunay lang ito na hindi nagpapabaya ang munisipyo sa utos ng Pangulo.
“Isa po itong patunay na ang ating Lokal na Pamahalaan ng Sta. Maria ay hindi nagpapabaya sa ating mandato,” ayon kay mayor Fabon.
Sa mga naunang pahayag ni DILG Secretary Eduardo M. Año, ang mga hindi tatalima sa kautusan ng DILG ay maaring maharap sa kaukulang sunctions.
“They can be charged with dereliction of duty, negligence – administratively, possible suspension depends on the Ombudsman,” dagdag nito.
Sinabi rin ni Año na ang mga non-complaint LGUs ay bibigyan ng 5 araw para magpaliwanag, at kung hindi, ipapadala ng DILG ang kanilang mga pangalan kay President Rodrigo Duterte para masampahan ng kaukulang reklamo sa opisina ng Ombudsman.