Dalawang rider ang sugatan matapos ang magkasunod na aksidente sa Barangay Batiano, at Pato-o sa bayan ng Odiongan nitong Linggo ng hapon.
Ayon sa Odiongan Municipal Police Station, nangyari ang unang aksidente sa Barangay Batiano kung saan isang rider ang sumemplang matapos sumalpok sa concrete barrier na nasa tabi ng national road.
Kinilala ang rider na si Arnulfo Mariano, 37 taong gulang, residente ng Calatrava, Romblon.
Batay sa imbestigasyon, nawalan umano ng kontrol ang posibleng nakainum na rider kaya nasalpok nito ang concrete barrier habang paakyat ng tulay sa Barangay Batiano.
Agad namang isinugod sa Romblon Provincial Hospital ang rider matapos ang aksidente.
Samantala, isang rider rin ang sugatan matapos naman masalpok nito ang isa kasalubong nitong sasakyan sa bahagi ng provincial road sa Barangay Pato-o nitong hapon parin ng Linggo.
Ayon sa pulisya, patungo ng north direction ang rider na si Jonnie Tamboong, habang patungo namang bayan ang rider namang si Ronnie Cesar nang mangyari ang aksidente. Sinubukan umano ni Cesar na mag-overtake sa isang sasakyan na nasa harapan niya ngunit hindi niya na tantiya ang pag-overtake kaya nasalpok niya si Tamboong.
Sumemplang si Cesar at nagtamo ng galos sa katawan habang ligtas naman si Tamboong.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa nasabing aksidente.