Arestado sa bayan ng San Fernando, Romblon ang isang babaeng isa sa mga high value target ng mga pulis at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa nasabing bayan.
Kinilala ng Romblon Police Provincial Office ang naaresto na si Janette Lero, 44 taong gulang, residente ng Barangay Azagra.
Ayon sa spot report mula sa San Fernando Municipal Police Station, bandang alas-6 kagabi, October 27, nang magsagawa ng operasyon laban sa suspek ang mga tauhan ng San Fernando MPS, at PDEA 4B, kung saan nabilhan umano ang suspek ng isang sachet ng pinaghihinalaang shabu sa halagang P500.
Matapos na magkaabutan, agad na inaresto ang suspek ng mga operatiba.
Nakakulong na ngayon ang suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 ng Republic Act 9165 o mas kilala bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.