Matapos ang anim na taong pagtatago sa batas, naaresto ng mga tauhan ng Provincial Intelligence Branch ng Romblon Police Provincial Office ang lalaking wanted sa bayan ng Looc, Romblon sa kasong murder
Kinilala ni Captain Dennis Rivera ang suspek na si Victorio Igno o mas kilala sa alyas Eyok, 48 taong gulang.
Ayon sa pulisya, nakatanggap sila ng tip na di umano ay namataang nagtatrabaho sa isang construction site si Eyok sa Balintawak, Quezon City kaya agad nila itong tinungo para arestuhin.
Si Igno ay wanted sa kasong murder na kinakaharap nito simula pa noong 2013 matapos na ituring isa sa mga suspek sa pagpatay sa isang Larry Ibabao sa Barangay Pili, Looc, Romblon noong 2010. Lumabas ang warrant of arrest ni Igno noong 2013.
Dinala na ang suspek sa Romblon para iharap sa korte. Wala siyang piyansa.