Ibinasura ng Sandiganbayan 2nd division ang inihaing mosyon para mag file ng demurrer to evidence ni dating San Andres mayor Fernald Rovillos sa kanyang graft case na isinampa ng Ombudsman.
Ang demurer ay inihahain ng akusado upang maibasura ang kaso laban sa kanya kapag natapos nang magprisinta ng ebidenysa ang prosekusyon.
Kapag hindi napagbigyan ang Demurrer to Evidence bibigyan ng pagkakataon ang depensa na magprisinta ng kanyang sariling ebidensya.
Ayon sa desisyon ng Sandiganbayan na nilabas noong ika-15 ng Agosto, hindi nila pinayagan na maghain ng demurrer si Rovillos dahil wala umano itong “merit” ang inihaing mosyon.
Nag-ugat ang kasong ito matapos hindi umano dumaan sa public bidding ang pagbili sa 10,000 Bitaog Seedlings na nagkakahalaga ng P550,000 na ginamit umano sa tree planting activity noong June 2014.
Hindi rin pinayagan ang inihaing mosyon para mag file ng demurrer nina Municipal Accountant Melinda Gaac, at Municipal Planning and Development Coordinator Mary Claire Mortel.
Kasama rin sa kaso sina Bids and Awards Committee (BAC) Chairman at Municipal Social Welfare and Development Officer Chairman Caezar Valiente; BAC members Gay Tan, at Genny Rose Vergara; at si Reynaldo Perlas ng Perlas Seed Growers.




































